Mayorya ng mga Filipino ang nagsabing dapat arestuhin nang buhay ang mga drug suspect, batay sa Social Weather Stations (SWS) survey.
Sa Hunyo 27 hanggang 30 SWS survey sa 1,200 respondents, 96 percent ang nagsabing mahalagang maaresto nang buhay ang mga sangkot sa iligal na droga habang 4 percent ang nagsabing hindi ito mahalaga. Lumabas din sa resulta na maraming taga Metro Manila o 98 percent ang pabor na arestuhin nang buhay ang mga drug suspect na sinundan ng balance Luzon, 96 percent; Visayas, 95 percent at Mindanao, 94 percent.
Umabot naman sa 86 percent ang naniniwalang ikinukunsidera ng mga pulis na mahalagang madakip nang buhay ang mga naturang suspek habang 14 percent ang naniniwalang hindi ito mahalaga.
Samantala, 27 percent ang naniniwalang nagsisinungaling ang mga pulis kapag kanilang sinasabing nanlaban upang hindi maaresto ang mga suspek kaya’t napapatay sa anti-illegal drugs operation.
26 percent naman ang naniniwala sa pahayag ng mga pulis at 47 percent ang undecided.
Human Rights Group umalma sa resulta ng SWS
Inalmahan ng mga human rights group ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing mayorya ng mga Filipino ang kuntento sa war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng Grupong Karapatan, hindi naman tinanong sa SWS survey kung pabor o hindi ang mga respondent sa pagpatay ng mga otoridad sa mga drug suspect na nanlalaban.
Tila pinalalabas aniya sa survey na epektibong solusyon ang drug war sa sangkaterbang problema ng bansa at tama lamang at alinsunod sa batas ang pagpatay.
Para naman sa grupong hustisya, na binubuo ng mga kaanak ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings, hindi naman repleksyon ang survey ng mga sentimyento ng mga direktang apektado ng madugong giyera kontra droga.
Ang dapat anilang tanong sa mga respondent ay kung kuntento o hindi at pabor o hindi pabor ang mga ito sa paraan ng gobyerno sa pagsugpo sa illegal drugs.