Lumobo na sa 105 dollars mula sa 99 dollars at 50 cents per barrel ang presyo ng brent crude sa international market, ilang oras simula nang maglunsad ng pag-atake ang Russia sa Ukraine.
Ito na sa ngayon ang pinaka-mataas na presyo ng produktong petrolyo sa nakalipas na halos walong taon o simula nang sakupin ng Russia ang Crimea, na dating bahagi ng Ukraine.
Dahil dito, namemeligrong maapektuhan ang ekonomiya, partikular ang energy sector ng Europana magdudulot ng mabilis na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pinangangambahan naman ng European Central Bank na magkaroon din ng global supply disruption sa langis, lalo’t ang Russia ang ikatlong pinaka-malaking oil at natural gas producer sa mundo.
Kabilang din sa nanganganib maapektuhan ang supply ng ilang commodities, gaya ng trigo dahil sa lumalaking demand bunsod ng muling pagbubukas ng ekonomiya ng maraming bansa matapos ang COVID-19 pandemic lockdowns.
Ang Russia ang ikatlong pinaka-malaking producer ng wheat o trigo, napangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.