Ibinasura na ng Ombudsman ang kasong graft laban kay yumaong Maguindanao 2nd District Representative Simeon Datumanong kaugnay ng mahigit 3.6 million pesos pork barrel scam.
Ito ay matapos kumpirmahin at kilalanin ng prosekusyon, alinsunod sa utos ng Ombudsman, ang pagkamatay ni Datumanong.
Sa tatlong pahinang manifestation ng prosecution team, nakasaad na kanilang nakumpirma sa Philippine Statistics Authority ang pagkamatay ni Datumanong noong Pebrero 28 ng kasalukuyang taon dahil sa atake sa puso.
Dahil dito, kanilang sinasangayunan ang kahilingan ni Atty. Lyndon Escala, abogado ni Datumanong na ibasura ang kaso laban sa dating mambabatas.
Gayunman, iginiit ng prosekusyon na dapat manatili ang pangalan ni Datumanong sa charge sheet upang maipakita ang alegasyon ng sabwatan sa pagitan ni Datumanong at ng kanyang mga kapwa akusado sa kaso.
Ang kaso ay nag-ugat sa maanomalyang paghawak ng Non-Government Organization na Maharlikang Lipi Foundation, Inc. sa mga proyekto ni Datumanong gamit ang kanyang PDAF.
—-