Pinaalalahanan ng poll watchdog na LENTE o Legal Network for Truthful Elections ang mga botante na huwag bibigay sa mga namimili ng boto.
Ayon kay LENTE Executive Director Atty. Ona Caritos, inaasahan kasing tataas ang kaso ng vote buying ngayong weekend lalo na bukas na huling araw bago ang halalan.
Sa mga araw na ito aniya nagiging puspusan ang mga kandidato at kanilang mga taga suporta sa paggapang ng mga boto upang masiguro ang pagkapanalo nila sa eleksyon.
Inihayag naman ng Philippine National Police na posibleng nakatuon ang atensyon ng mga kandidato ngayong halalan sa vote buying.
Ito ay sa harap ng pagbaba naman ng kaso ng mga karahasang may kinalaman sa eleksyon na kasalukuyang nasa 32 kumpara sa 106 na pre-election violence na naitala noong 2016.
Naniniwala si PNP Spokesperson Police Col. Bernard Banac na hindi na gaano gumagamit ng dahas ang mga kandidato at posibleng nakatutok aniya sila ngayon sa pamimili ng boto.