Nagsagawa ng lakbay kalikasan: bike and hike for nature ang isang water concessionaire sa bansa bilang bahagi ng Earth Day celebration.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Affairs Head Jeric Sevilla, mahalaga ang mga ganitong aktibidad upang maipakita kung paano mapangangalagaan at maiingatan ang kalikasan, partikular na ang mga water shed gaya na lamang ng lamesa nature reserve sa Lungsod ng Quezon.
Maari din umanong tawagin ang Lamesa nature reserve na forest in the city, dahil sa dami ng mga punong nakapalibot dito na nagsisilbing water shed para magkaroon ng water security ang Metro Manila at matiyak na mabibigyan ng maayos na suplay ng tubig ang bawat tahanan lalo na ngayong panahon ng tag-init o summer.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Sevilla na wala silang nakikitang senaryo na magkakaroon ng kakulangan ng suplay ng tubig sa NCR dahil sapat naman aniya ang water level sa mga dam at maging sa kanilang mga water treatment plant gaya na lamang sa Cardona, Rizal.
Samantala, sinabi pa ng Manila Water na asahan na ang pagsasagawa nila ng mga magkakasunod pa na aktibidad gaya nito upang mapaigting ang awareness campaign hinggil sa importansya ng pag iingat sa inang kalikasan.
Kabilang naman sa mga nakiisa sa aktibidad na ito ang ibat ibang grupo ng mga hikers at bikers sa kalakhang maynila.
Una nang inilunsad ng naturang water concessionaire ang annual million tree planting na layong makapagtanim pa ng mga puno sa iba’t-ibang lugar at water sheds sa bansa na makatutulong upang maibsan ang epekto ng climate change.