Hindi dapat maging sagabal ang internet connection sa mga mag-aaral sa ilalim ng blended learning na bagong paraan ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, ito’y dahil hindi lang naman online ang pamamaraan ng pag-aaral sa ngayon.
Hindi naman sya dapat maging sagabal o hadlang sa pagbibigay ng edukasyon sa mga bata,” ani San Antonio sa panayam ng Balitang Todong Lakas.
Paliwanag ni San Antonio, sa blended learning, may iba’t-ibang paraan para makapag-aral ang isang estudyante, ‘yan ay sa pamamagitan ng online, learning modules, o kaya’y sa radyo o telebisyon sa pakikipag-ugnayan ng kagarawan at ilang television (TV) stations.
Matagumpay na class opening ikinatuwa ng DepEd
Ikinatuwa ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang naging matagumpay na pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa sa ilalim ng distance learning.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, masaya sila sa naging pagbubukas ng mga klase kahapon, ika-5 ng Oktubre, dahil sa ‘excitement’ ng mga guro at mga magulang ng mga mag-aaral.
Pagdidiin pa nito, pati rin ang mga mag-aaral mismo ay ‘excited’ lalo’t may ilan nang nakatanggap ng modules na gustong-gusto na ito buksan.
Nakakabigay po ng dagdag na energy ‘yung nakikita mo ang mga kasama mong guro excited; ang mga makakausap mong mga magulang , excited,” ani San Antonio.
Paliwanag ni San Antonio, may ilang magulang din na nakatutok sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak, ang natutuwa dahil pati sila aniya ay natututo sa mga leksyon na nakapaloob sa mga learning modules.
Nakakatuwa, ‘yung iba nga pong mga magulang nakausap natin na gabay ngayon sa pag-aaral ng mga anak, sabi nila, ‘ay, maganda pala ito, narereview din kami ng mga dapat alam na alam natin na nakalimutan na kasi matagal nang inaral,” ani San Antonio. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas