Ipinasilip ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ginawa nitong P5,000 na perang papel at medalya kung saan tampok si Lapu-lapu bilang paggunita sa kabayanihan nito bilang datu noong kasagsagan ng pananakop ng mga kastila sa bansa at paggunita sa ika-500 anibersaryo ng tagumpay sa labanan sa Mactan sa darating na Abril 27.
Makikita sa bank note ang larawan ni Lapu-lapu, labanan sa Mactan, sinaunang war ship o karoaka na gamit ng mga sinaunang Pilipino sa pakikipaglaban at Quincentennial logo.
Masisilayan naman sa likod na bahagi ng perang papel ang larawanng agila, bundok ng Apo at puno ng niyog.
Samantala, makikita rin ang imahe ng Datu sa medalya kung saan ibinase sa Lapu-Lapu Shrine sa Cebu, habang makikita naman sa likod ng medalya ang imahe ng Battle of Mactan at ang petsa Abril 27, 1521 kung kailan ito naganap.
Paglilinaw naman ng BSP na ito ay bilang paggunita lamang sa kabayanihan nina Lapu-lapu at iba pang mandirigmang Pilipino noon at hindi isasama sa sirkulasyon ng pera ng bansa ang naturang salapi.
Bukod pa rito, isinigawa anila ang salapi para sa kaalaman ng makabagong henerasyon sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas.
Para naman sa mga nagnanais bumili ng commemorative bank note at medalya, maglalabas ang BSP ng anunsyo kaugnay sa pagbili.— sa panulat ni Agustina Nolasco