Ipinahayag ng filipino stars at personalities ang kanilang opinyon sa mungkahi ni Senador Jinggoy Estrada na i-ban ang panonood ng foreign films para isulong at suportahan ang mga lokal na palabas at homegrown talents sa bansa.
Apela ni Parokya ni Edgar vocalist Chito Miranda, kailangan pang magsumikap ng mga local artist na mag-produce ng magagandang content upang makuha ang kiliti at suporta ng filipino viewers at ma-boost ang morale ng film at music industry sa bansa.
Hirit naman ni Suzette Doctolero, creative writer ng kapuso network, at aktres na si Pokwang, dapat mag-invest ang gobyerno sa film industry gaya ng ginawa ng South Korea na isinusulong ang kanilang industriya hindi lang sa palabas at kanta kundi pati na rin sa pananamit at mga pagkain.
Samantala, nabanggit ni Governor Jonvic Remulla ang importansya ng korean content sa bansa na nagbigay inspirasyon at entertainment noong kasagsagan ng pandemya.
Dapat aniya tayong matuto at kumuha ng inspirasyon sa kung ano ang natamasa ng mga Koreano pagdating sa industriya ng pelikula at pagkanta. —sa panulat ni Hannah Oledan