Umabot na sa 407 ang naiulat na nasawi dahil sa bagyong Odette.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 1,147 ang sugatan at 82 pa ang nawawala.
Gayunman, nilinaw ng NDRRMC na 75 pa lamang sa mga ito ang kumpirmado habang ang nalalabing bilang ay patuloy pang isinasailalim sa validation.
Batay pa sa tala ng ahensya, nasa 4,462,997 na indibidwal sa 6,530 na barangay ang naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Tinataya namang papalo na sa mahigit 16.65 billion pesos ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, at 7 billion pesos naman sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nasa 205 siyudad at bayan ang may suplay na ng kuryente, at naibalik na rin ang suplay ng tubig sa 18 lungsod at munisipalidad.