Posible pa ring magpatupad ng curfew at maglagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ito ang inihayag ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) member for Lanao del Sur Zia Alonto Adiong, sa kabila ng pagkakapaso na ng martial law sa buong rehiyon.
Ayon kay Adiong, bagama’t hindi na hiniling pa ang pagpapalawig sa martial law sa Mindanao, nananatili namang epektibo ang proclamation number 55 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Aniya, kaakibat ng memorandum number 3, maaari pa ring magpatupad ng curfew at maglagay ng mga checkpoints ang mga awtoridad para sa mas mabilis na pagresponde sa anumang banta sa seguridad sa Mindanao.
Ipinalabas ni Pangulong Duterte ang proclamation number 55 na nagdedeklara ng state of national emergency laban sa lawless violence sa Mindanao kasunod ng nangyaring pambobomba sa Davao City noong September 2016.
Habang sa ilalim ng memorandum number 3, inaatasan ang Department of National Defense at Interior and Local Government (DILG) na isaayos ang agarang pagtatalaga ng karagdagang puwersa ng militar at pulisya para mapigilan ang anumang banta ng karahasan at terorismo sa Mindanao.