Nanumpa na kay Pangulong Rodrigo Duterte si bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan.
Isinagawa ang seremonya ng panunumpa sa tungkulin ni Cascolan sa Malacañang, kahapon ng umaga, ika-7 ng Setyembre, kung saan kasama niya ang kanyang pamilya.
Magugunitang sa pag-upo ni Cascolan bilang hepe ng PNP noong ika-2 ng Setyembre, inilatag ng Palasyo ang mga bilin ni Pangulong Duterte sa opisyal.
Kabilang dito ang pagtiyak na sinusunod ng PNP ang rule of law, paglilinis sa hanay ng pulisya laban sa mga tiwaling miyembro at pagpapatuloy sa tagumpay ng kampanya kontra ilegal na droga.
Inaasahang maikli lamang ang panunungkulan ni Cascolan sa puwesto dahil nakatakda na rin itong magretiro sa Nobyembre. —ulat mula kay Jaymark Dagala