Hinimok ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda si Pangulong Bongbong Marcos na bumuo na ng Food Security Cluster.
Ito’y matapos lumabas sa Social Weather Stations Survey na nananatiling mataas sa 11.3% o 2.9 million na pamilya ang nagugutom sa bansa noong Oktubre kumpara sa 11.6% noong Hunyo.
Inirekomenda ni Salceda, Chairmnan ng House Ways and Means Committee, kay Pangulong Marcos ang pagtatalaga ng Senior Undersecretary o Deputy sa Department of Agriculture na kanyang pinamumunuan.
Dapat anyang magkaroon ng “mas holistic, whole-of-government approach” sa issue ang gabinete, lalo’t malinaw na may mahalagang papel ang iba pang ahensya sa food security.
Binigyang-diin ng Kongresista na may mga aspeto sa food security wala sa mandato ng D.A. at batid naman na 20% hanggang 25% ng pagkain sa bansa ay imported.
Bukod sa D.A., kabilang pa sa tinukoy ng mambabatas na may mahalagang papel sa food security ang Bureau of Customs, Departments of Transportation, Science and Technology at National Defense.