Guilty sa kasong Perjury ang hatol na iginawad ng Metropolitan Trial Court kay Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’, na nasa likod ng viral video na totoong narcolist, na nag-uugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa illegal drugs trade.
Ito’y dahil sa kanyang naging paratang laban sa tatlong abogado ng free legal assistance group na sina Chel Diokno, Erin Tañada at Theodore Te na sangkot umano sa planong pagpapatalsik sa puwesto kay dating Pangulong Duterte na tinawag niyang “Project Sodoma”.
Pinagbasehan ng CIDG-NCR ang mga sinumpaang salaysay ni Advincula kaugnay sa ‘Project Sodoma,” Para kasuhan ang tatlong abogado, kabilang si dating Vice President Leni Robredo at 36 na iba pa ng sedition, inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal, at obstruction of justice na kalauna’y ibinasura ng Department of Justice.
Tatlong buwan at isang araw na pagkakabilanggo o arresto mayor bilang minimum at isang taon at isang araw na pagkakakulong o prision correcional bilang maximum na parusa ang ipinataw ng Manila Metropolitan Trial Court branch 17 kay Bikoy.