Sabi nga nila, unconditional ang pagmamahal ng mga nanay sa kanilang mga anak. Ano pa man ang katangian at kinalalagyang sitwasyon ng mga ito, laging handa ang mga nanay na sumalo at umalalay. Napatunayan yan ng isang ina mula sa China na hindi alintana ang edad at inaral pa ang mga batas para lang maipagtanggol ang anak na nasasakdal sa korte.
Ang dahilan kung bakit nga ba nakulong ang anak ng nasabing nanay, eto.
Taong 2023 nang arestuhin ang 57-anyos na Chinese man na kinilalang si Lin matapos nitong pwersahin na magbayad ng 117 million yuan ang negosyanteng kinilala sa apleyido nito na Huang sa pamamagitan ng pamba-blackmail.
Ayon sa ulat, naging partners sina Lin at huang sa isang gas production business. Pero dahil sa late umano magbayad si Huang, huminto ang produksyon sa kanilang negosyo at malaking halaga ng pera ang nalugi.
Dahil dito, tinakot ni Lin kasama ang kaniyang accountant na isusumbong si huang sa tax authorities. Pero si Huang, agad na binalikan ang business partner niya at ini-report sa mga pulis.
Dahil sa nararamdamang labis na pangungulila ng nanay ni Lin, nagsimula itong mag-self study sa isa sa pinakamahirap na kurso na law.
Sa labis na kagustuhan na maipagtanggol sa korte at mapalaya ang kaniyang anak, bumili pa ng criminal law at criminal procedure books ang ginang. Ayon sa apo nito, araw-araw pa itong nagpupunta sa korte para magbasa ng iba’t ibang kaso.
Bagama’t tinutulan ng kanilang pamilya ang pag-aaral ni nanay, hindi ito nagpapigil at sumasama pa sa mga hearing ng kaniyang anak. Pero nang makita niya itong dinala sa korte nang nakaposas, hindi napigilan ng nanay na mapaluha dahil sa kinalalagyan ni Lin.
Nagawa pang tumagal nang ilang oras ng nanay sa loob ng courtoom pero bigla na lang sumama ang pakiramdam nito at inabisuhan na dalhin sa ospital. Pero ang nangungulilang nanay, hindi nagpatinag at pinilit na manatili sa tabi ng kaniyang anak na nililitis.
Sa mga nanay diyan, hanggang saan ang kaya niyong gawin para sa inyong mga anak? Aabot ba sa punto na pati ang batas ay haharapin niyo?



