Sibak sa pwesto ang 2 pulis Makati matapos ang viral facebook post ng maling pagtrato sa dinampot na mga umano’y tambay.
Mismong si NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang nag utos ng relief order kina PS/INSP Aaron R Elago, PCP 6 Commander at SPO2 James Teano, Desk Officer ng PCP 7 Makati City Police Station.
Ito’y dahil sa umano’y abuse of discretion of authority nang damputin nila ang 6 na magkakaibigan sa Makati 11:00 ng gabi noong sabado kahit wala namang malinaw na paglabag sa ordinansa.
Naghihintay lamang ang 6 sa labas ng bahay ng kanilang kaibigan nang dalhin sila sa presinto at ikulong sa selda.
Paglilinaw naman ni Eleazar, hindi parusa ang pagsibak sa 2 pulis kundi para bigyang daan lamang ang imbestigasyon.
Paalala ng PNP, hindi aarestuhin ang sinumang pakalat kalat sa kalsada basta’t wala itong nilalabag na batas o ordinansa.