Pinag-aaralan ng Pilipinas at Estados Unidos ang posibilidad ng pagtutulungan sa pagbuo ng estratehikong reserbang langis ng bansa.
Sa pagpupulong nina Energy Secretary Sharon Garin at U.S. Energy Secretary Chris Wright sa Washington noong October 15, tinalakay nila ang mga hakbang upang mapatatag ang suplay ng enerhiya sa gitna ng pagbabago sa presyo ng langis sa world market.
Ayon kay Sec. Garin, layon ng panukalang ito na magkaroon ang Pilipinas ng nakaimbak na krudo at produkto ng langis na magagamit sa panahon ng krisis.
Bukod sa reserbang langis, tinalakay din ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mapayapang paggamit ng nuclear energy, gayundin ang pagpapaunlad ng geothermal energy at natural hydrogen.
Binigyang-diin ng kalihim ng DOE na mahalaga ang mas matibay na ugnayan sa Estados Unidos, upang mapalawak ang mga pinagmumulan ng enerhiya at mapaunlad ang kakayahan ng bansa sa paghahanda sa mga krisis. | Sa panulat ni Reabelle Medina

