Kadalasang sinasaway ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil sa pagbababad sa computer at paglalaan ng mahabang oras sa paglalaro. Pero ang gamer na ito mula sa UK, nakaligtas mula sa medical emergency dahil sa tulong ng kaniyang kalaro na milya-milya ang layo.
Kung paano nakatulong ang gamer, eto.
Ka-chat ng noo’y 17-anyos na si Aidan Jackson mula sa Widnes, United Kingdom ang kaniyang kalaro at online friend na 20-anyos na si Dia Lathora mula sa Texas nang bigla na lang magkaroon ng seizure si Aidan.
Bagama’t limang milya ang layo sa isa’t isa, mula sa texas ay tumawag si Dia sa mga pulis sa UK para ipaalam ang emergency na nangyayari sa bahay ng mga Jackson.
Nasa first floor ng kanilang bahay ang mga magulang ni Aidan at nanonood ng TV nang may dumating na mga pulis sa tapat ng kanilang bahay.
Nang makausap ng nanay ni Aidan na si Caroline ang mga pulis, sinabi ng mga ito na nagmula pa sa America ang natanggap nilang tawag na mayroong emergency sa kanilang bahay at doon lang nito nalaman na nagsi-seizure ulit ang kaniyang anak.
Nauna na kasing nag-seizure si Aidan bago pa ang insidente at naghihintay na lang sa susunod niyang appointment.
Samantala, ayon naman sa kaibigan ni Aidan na si Dia, sa pamamagitan ng kaniyang headset ay nadiskubre niya na nagsi-seizure si Aidan, at nang hindi na ito sumagot pa ay tumawag na si Dia ng tulong.
Labis namang nagpasalamat si Caroline kay Dia na nakagawa ng paraan para tumulong kahit milya ang layo nito sa kanila.
Gayunpaman, ayon kay Caroline ay naging maayos naman ang lagay ni Aidan matapos ang insidente.
Sa mga gamers diyan, maaasahan niyo rin ba ang mga online friends niyo na saluhin kayo sa totoong buhay at hindi lang sa laro?