Maaaring abutin ng isa pang buwan bago maibalik ang pasok sa mga paaralan sa mga lugar na sinalanta ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Ayon kay Education Undersecretary for Operations Malcolm Garma, naka-depende ang pagbabalik ng operasyon ng mga paaralan sa kung gaano kabilis matatapos ang reconstruction ng mga ito na tinatantsang aabutin ng tatlumpung araw.
Sa Bogo City na pinaka-napuruhang ng lindol, nasa tatlumpu’t walong paaralan ang pinaniniwalaang nagtamo ng matinding pinsala na hirap pa ring ma-inspeksyon dahil sa tuloy-tuloy pa ring aftershock.
Nabatid na sa lahat ng apektadong lugar kabilang ang Region 5, 6, at 7, nakapagtala ang DepEd ng 5,587 na silid-aralan na nagkaroon ng major damage.
Upang makapagpatuloy pa rin sa pag-aaral ang mga estudyante, pansamantalang ililipat ang mga ito sa home-based learning kaya’t nakahanda na rin ang DepEd sa pamamahagi ng mga module sa kanilang local field offices.




