Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Lung Transplant Program sa Lung Center of the Philippines (LCP) sa Quezon City noong January 23, 2024.
Naging posible ang paglikha ng pinakaunang lung transplant program sa bansa dahil sa pagtutulungan ng LCP at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Kabilang ang pneumonia at iba pang respiratory diseases sa top 20 causes of death ng mga Pilipino ayon sa datos mula January hanggang July 2023. Kasama naman ang acute lower respiratory tract infection at tuberculosis sa mga pangunahing sakit sa bansa.
Bilang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino, mag-aalok ang Lung Transplant Program ng mga serbisyong magpapabuti sa buhay ng mga kababayan nating may irreversible lung diseases.
Sinimulan ng NKTI at LCP ang paglikha ng Joint Lung Transplant Program noong November 25, 2022 upang bumuo ng lung transplant manual na tumutugon sa mga isyu katulad ng organ donation, allocation system, limitadong access sa trained personnel, at financial constraints.
Bilang bahagi rin ng programa, inaayos ng LCP ang kanilang infrastructure capacity, kabilang na ang renovation sa post-anesthesia care unit at surgical intensive care unit.
Ayon kay Pangulong Marcos, naging patunay ang Lung Transplant Program ng LCP at NKTI sa kasabihan na, “Two heads—two hospitals—are better than one.” Aniya, una lang ito sa mga gagawing kahalintulad na programa ngayong taon.