Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na nasa maayos na kalagayan ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ambush interview, kinumusta ng mga media personnel ang kalagayan ng dating pangulo na kasalukuyang naka-detine sa The Hague, Netherlands.
Bilang tugon, sinabi ng Bise Presidente na nasa maayos na kalagayan ang kaniyang ama at nagkakausap aniya sila.
Dagdag ni VP Sara, updated sa mga kaganapan sa bansa ang dating pangulo, kung saan kabilang sa kanilang napag-usapan ay ang isyu sa politika, flood control projects, at love life.
Nang tanungin naman kung ano ang opinyon ng kaniyang ama sa flood control issue, sinabi ng Pangalawang Pangulo na bawal aniyang ibahagi ang kanilang napag-usapan.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay taliwas sa naging pahayag ng abogado ni dating Pangulong Duterte na si Nicholas Kaufman, na hindi kayang humarap ni Duterte sa trial o paglilitis dahil sa health problem kaya na-defer o ipinagpaliban muna ang kaniyang confirmation of charges.
Iginiit ni VP Sara na mas mainam kung hintayin na lamang ang desisyon ng mga eksperto sa International Criminal Court (ICC).