Tiniyak ni Lanao Del Sur rep. Zia Alonto Adiong na hindi pipilitin ng kamara si Vice President Sara Duterte na humarap sa budget hearing ng Office of the Vice President para sa 2026.
Kasunod ito ng pahayag ni VP Sara na nagsabing hindi siya magrerekomenda ng malaking budget ng OVP para sa taong 2026.
Ayon kay Rep. Adiong, igagalang ng Kamara, sakaling magpasya ang bise presidente na kanyang mga opisyal na lamang ang humarap sa budget deliberation ng kanyang tanggapan.
Naniniwala ang mambabatas na lalo lamang makikita ng publiko ang pagiging immature ni VP Sara sa oras na mangyari ito.
Binigyang diin ng mambabatas, na ayaw niya ring napapahiya ang kanyang tanggapan bilang siya ang tumatayong sponsor ng 2025 OVP budget.
Nabatid na lumikha ng kontrobersiya ang pag-isnab ng bise presidente sa mga budget hearing ng kamara na nagdulot ng 1.3 billion pesos na pagkaltas sa pondo ng OVP at inilipat bilang pandagdag sa budget ng Department of Social Welfare and Development at Department of Health.
—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)