Nanawagan ang Trabaho Partylist sa mga mambabatas na magsulong ng mga proteksyon, insentibo, at institusyonal na suporta sa lumalaking sektor ng freelance workers sa bansa, imbes na patawan sila ng karagdagang buwis na makaaapekto sa mga online gig workers.
Ito’y matapos marepaso ang implementing rules and regulations para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12023, o ang Value-Added Tax on Digital Services Law.
Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho, kinakailangan ang agarang pagpapatupad ng mga patakarang kikilala sa mahalagang kontribusyon ng freelancers, lalo na sa digital at remote work sectors.
“Ang mga freelancer ay nagsusumikap na umunlad kahit walang pormal na suporta. Sa halip na buwisan ang mga Pilipinong digital service providers, dapat tayong lumikha ng mga polisiya na magpapalakas at poprotekta sa kanila,” ani Espiritu.
Maraming freelancer ang umaasa sa mga serbisyo gaya ng Upwork, Fiverr, TaskUs, PayPal, at Google Workspace sa kanilang araw-araw na trabaho. Nabahala ang ilan na posibleng tumaas ang singil sa serbisyo o kaya’y malimitahan ang kanilang access sa mga ito dahil sa bagong buwis.
Sa panayam ngTrabaho Partylist kay EJ Gonzales, isang freelance artist sa isang digital platform na sumiside-line rin bilang host at performer, sinabi niyang maliban sa kawalan ng benepisyo, wala ring sapat na awtoridad na mapagsusumbungan ang mga gaya niya kapag may katiwalian sa kontrata.
“Parang wala akong alam na may available for us. Kaya minsan nakakainggit actually ‘yung mga nagtatrabaho sa corporate. Meron silang HMO, allowance, secured na kinikita every month. Wala kaming mga ganon na benefits,” pagbabahagi ni Gonzales.
Sa kasalukuyan, marami ang nagtatrabaho nang walang kontrata, na nagdudulot ng problema tulad ng delayed payments at kakulangan ng legal recourse para sa mga freelancers.
Para sa Trabaho, ang dapat na isinusulong para sa mga freelancers ay tax incentives, internet connectivity infrastructure, social security benefits, grievance mechanisms laban sa mga manlolokong kontratista, at mga anti-labor policies ng digital platforms.