Naghahanap ka rin ba ng trabaho kung saan hindi mo kakailanganing mag-effort at mapagod pero makakatanggap ka ng sweldo? Tila imposible pero mayroong teacher sa Germany na labinganim na taon nang hindi pumapasok sa trabaho pero nakakatanggap pa rin ng sahod.
Kung paano nga ba ito nangyari? Eto.
Public servants kung ituring ang mga teacher sa Germany kung kaya nakakatanggap ang mga ito ng mga benefits katulad ng pagtanggap ng sahod kahit na mag-file pa ang mga ito ng indefinite sick leave.
Kagaya na lang ng hindi pinangalanang teacher mula sa North Rhine-Westphalia na 16 years nang hindi pumapasok sa pinagtatrabahuhan nitong eskwelahan sa Wesel dahil naka-sick leave ito. Pero ang teacher, natatanggap pa rin nang buo ang kaniyang sahod.
Ayon sa local newspaper, maaaring kumita ng $7,200 o mahigit P400,000 ang mga teacher sa North Rhine-Westphalia. Kung susumahin, $1.1 million ang kinita nito sa loob ng labinganim na taon na hindi nito pagtatrabaho, o tumataginting na P67 million.
Napag-usapan lang ang sitwasyon ng nasabing teacher nang magpalit ng liderato sa kanilang eskwelahan at nire-require ito na sumailalim sa isang medical examination na patunayan na mayroon itong sakit.
Base naman sa isinagawang internal audit ng eskwelahan, lumabas na nagpapasa ng medical certificate ang guro kada buwan kahit na hindi pa nasusuri ng doktor ang kaniyang kalagayan. Hinihinala rin na nagtayo umano ito ng medical startup habang naka-sick leave.
Bilang tugon sa requirement ng paaralan, nagsampa ng kaso ang teacher laban sa kaniyang employer pero tinabla lang ito ng korte dahil may karapatan umano ang employer na manghingi ng dokumento na magpapatunay sa matagal na pag-absent ng kanilang empleyado.
Samantala, inatasan na ng korte ang teacher na magbayad ng legal fees na nagkakahalaga ng halos p179,000 at maaari ring matanggal bilang isang civil servant.
Ikaw, ginagamit mo ba sa tamang paraan ang paid leaves mo sa trabaho?