Magsasagawa ng tax fraud audit ang Bureau of Internal Revenue laban sa mga kontratistang sangkot sa sinasabing mga maanomalya flood control project na iniimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior.
Kasunod ito ng direktiba ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. kung saan magsasagawa ang kanilang ahensya ng parallel investigation upang suriin ang tax returns at bayarin ng mga naturang kontratista.
Hindi bibigyan anya ng updated tax clearance ang mga lalabag at awtomatikong madidiskwalipika sila sa susunod na government projects, at sususpindihin din ang final settlement ng kanilang kasalukuyang kontrata.
Batay sa Revenue Regulation No. 17-2024, obligadong magprisinta ng updated tax clearance ang lahat ng contractor bago matapos ang anumang government contract.
Kapag nabigong makakuha nito, isususpinde ang pagbabayad at lalagyan ng tax lien ang halaga ng kontrata.
Kasabay nito, tiniyak ng BIR na papatawan ng deficiency tax assessment ang mga “ghost projects” na mabibigyan ng sertipikasyon mula sa kaukulang ahensiya bilang hindi tunay na naisagawa.