Patuloy na tinatahak ng Bagyong ‘Ramon’ ang direksyon patungong Northern Cagayan.
Sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang tatama sa kalupaan ang Bagyong ‘Ramon’ mamayang gabi o bukas ng umaga sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Huling namataan kaninang 10:00AM ang naturang bagyo sa layong 160-kilometers silangan, hilagang-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugso namang aabot sa 105 kph.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 10 kph.
Samantala, nakataas naman ang ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Number 2 sa mga sumusunod na lugar:
- Cagayan (kabilang ang Babuyan Islands),
- hilagang bahagi ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, at Divilacan),
- Apayao,
- Kalinga, at
- hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg at Adams).
Isinailalim naman sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Number 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Batanes,
- nalalabing bahagi ng Ilocos Norte,
- Ilocos Sur,
- Abra,
- Mountain Province,
- Ifugao,
- Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, and Dinalungan), at
- nalalabing bahagi ng Isabela.
Dahil dito, makararanas ngayong umaga hanggang hapon ng mahina hanggang katamtaman na may kasamang panaka-nakang malakas na buhos ng ulan ang silangang bahagi ng mainland Cagayan at Isabela.
Mahina hanggang katamtaman na may kasamang pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng mainland Cagayan at Isabela, Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Aurora, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra at Ilocos Norte.
Panaka-naka hanggang madalas na malakas na ulan naman ang mararanasan mamayang gabi sa Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Isabela at Apayao.
Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga naturang lugar dahil sa posibleng maranasang pagbaha at landslides.
Isang Low Pressure Area (LPA) naman ang namataan ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na nasa layong 1,605 kilometers silangan ng Silangang Visayas at inaasahang papasok ng PAR sa loob ng 24-oras.