Kinantyawan ng ilang kongresista si Presidential Spokesman Harry Roque sa ginawang pagtatanggol nito sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas sa Rome Statute of International Criminal Court.
Ayon kina Ifugao Representative Teddy Baguilat at Akbayan Representative Tom Villarin , mismong si Roque ang isa sa mga nag – lobby nuon para ratipikahan ang Rome Statute upang maging kasapi ang Pilipinas ng ICC.
Dagdag pa ni Villarin , nuong 2011 ay ipinahayag rin ni Roque sa kanyang ‘blog’ ang kanyang kasiyahan matapos na mapasama ang bansa sa ICC .
Nagpasalamat rin aniya ito sa Senado at kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Naniniwala si Villarin na ambisyon ang dahilan kung bakit bumaligtad nang posisyon si Roque.
Roque, nalungkot din sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statue
Aminado si Presidential Spokesman Harry Roque na ikinalungkot din niya ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.
Ayon kay Roque , ang naturang tratado ang kanyang itinuturing na pinakamahalagang napagtagumpayan niya sa kanyang karera.
Gayunman , nanindigan si Roque na hindi siya nagsisisi sa ginawang hakbang na ito ng gobyerno.
Paliwanag ni Roque , hindi niya maaaring isantabi lamang ang malinaw na pakikipagsabwatan ng ICC sa United Nations para ipahiya ang Pangulo at pagmukhain itong walang puso sa mata ng buong mundo.