Iginiit ni Senador Panfilo Lacson ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang masugpo ang sabwatan ng ilang pulitiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways, at mga private contractor na sangkot sa mga substandard at ghost flood control projects.
Patuloy na bineberipika ng senador ang mga impormasyong natatanggap kaugnay ng mga proyektong pinaghihinalaang may anomalya, bukod pa sa mga ibinunyag niya sa kanyang privilege speech noong a-bente ng Agosto.
Tinukoy ni Sen. Lacson na kabilang sa mga dapat busisiin ang proseso ng akreditasyon ng Philippine Contractors Accreditation Board, na umano’y nagbibigay pa rin ng lisensya sa mga kontraktor na may kaso o dating na-blacklist.
Kasama sa mga mungkahi ang pagpapalawig ng panahon ng blacklisting laban sa mga tiwaling kontraktor, limitasyon sa bilang ng proyektong maaaring mapanalunan, at masusing pagrepaso sa batas na lumilikha sa PCAB upang maiwasan ang maling paggamit ng akreditasyon.
Nakatakdang talakayin ang mga isyung ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kasama ang DPWH, PCAB, at iba pang kaukulang ahensya.
—Sa panulat ni Jasper Barleta