Hinikayat ng Philippine National Police o PNP ang iba’t ibang grupo na magsasagawa ng kilos protesta na gawin na lamang itong online kasabay ng pagdiriwang ng ika-123 araw ng Kasarinlan bukas, Hunyo a-12.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar bilang bahagi ng mga pag-iingat lalo na’t nananatili pa rin ang banta ng COVID 19 sa bansa.
Ayon sa PNP Chief, bagama’t iginagalang naman nila ang kalayaan sa pamamahayag subalit mas mainam na gawin na lamang virtual ang mga aktibidad para na rin sa kapakanan ng lahat.
Gayunman, naka-full alert pa rin ang PNP ani Eleazar para sa mga posibleng pisikal na kilos protestang ikakasa ng iba’t ibang mga grupo kasabay ng pagdiriwang.
Paalala pa ng PNP Chief sa mga Pulis na ipatupad pa rin ang maximum tolerance at hayaan ang mga rallyista na kusang kumalas pagkatapos ng kanilang programa.
Sa ngayon, wala pa namang natatanggap na anumang banta sa seguridad ang PNP hinggil sa okasyon subalit umapela si Eleazar sa publiko na sundin pa rin ang public health and safety protocols dahil ito ang mahigpit nilang ipatutupad.