Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na walang magiging cover up sa kanilang mga tauhang sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, dapat na harapin ng mga Pulis Samar ang isinampang reklamong murder at frustrated murder laban sa kanila ng National Bureau of Investigation o NBI.
Giit ni Eleazar, hangad nila na lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya sa insidente dahil kabilang sa mga nasawi ay pawang mga Pulis din na umaalalay sa Alkalde.
Kahapon, isinampa na ng NBI sa Department of Justice o DOJ ang kaso laban sa 7 Pulis batay na rin sa hawak nilang mga ebidensya tulad ng testimoniya ng 53 saksi, kuha ng CCTV sa pangyayari at palitan ng mga mensahe sa nakumpiska nilang cellphone ng mga salarin.
Kasunod nito, inatasan din ng PNP Chief ang mga sangkot na Pulis na iharap ang kanilang mga sarili sa ipapatawag na mga imbestigasyon partikular na sa Senado.
Una nang inamin ng tumayong whistleblower na si P/MSgt. Jose Jay Senario na nakipagsabwatan sa mga Pulis ang kalaban ni Aquino sa pulitika para idawit siya sa illigal na droga at para pagplanuhan ang pagpatay dito.