Nangako ang Trabaho Partylist ng buong suporta sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pababain ang interest rate sa calamity loans ng Social Security System (SSS).
Batay sa utos ng Pangulo, babawasan ng SSS ang interest rates sa mga calamity loan upang agad na matulungan ang mga manggagawang nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng gastusin.
Sabi ng grupo, ang pagpababa ng mga interest sa calamity loan ay isang mahalagang hakbang upang mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ang mga kasalukuyang naapektuhan ng mga pagputok at pag-alburoto ng mga bulkang Bulusan at Kanlaon.
Tinawag ni Trabaho spokesperson Atty. Mitchell-David Espiritu ang polisiya bilang isang “people-centered reform”, na tugma sa adbokasiya ng partido para sa makabuluhan, inklusibo, at pangmatagalang trabaho at seguridad sa lipunan para sa lahat.
“Direktang tinutugunan ng inisyatibang ito ang isa sa mga pangunahing suliranin ng ating mga manggagawa: ang mabigat na bayarin sa mga utang,” pahayag ng tagapagsalita ng grupo.
Ang kautusan ni Pangulong Marcos ay tumutugma rin sa layunin ng Trabaho na wakasan ang “in-work poverty”, ang kalagayan kung saan kahit may trabaho, nananatiling kapos sa kita ang manggagawa dahil sa mababang sahod at mataas na gastos sa pamumuhay.
Muling iginiit ng Trabaho, bilang 106 sa balota, na magsusulong sila ng mga reporma na hindi lamang limitado sa pagpapataas ng mga sweldo.
Sakop ng adbokasiya ng Trabaho na mapaganda ang health care benefits, working conditions, at training programs para sa lahat ng Pilipinong mangaggawa at mga senior citizen at PWD na gustong magtrabaho.