Matatandaang naging usap-usapan sa social media ang productive na pagdalo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ikaunang Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council o ASEAN-GCC Summit sa Riyadh, Saudi Arabia. Nakapag-uwi siya ng $120 million investment agreement na lubos na mapakikinabangan ng libo libong Pilipino. Nangako rin ang ilang Arab business leaders ng $4.14 billion investment commitment sa Pilipinas.
Saglit man ang kanyang official trip, hindi pa rin kinalimutan ni Pangulong Marcos Jr. na bisitahin ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi noong October 20, 2023. Patunay ito na isa sa mga prayoridad ng administrasyong Marcos ang welfare ng OFWs.
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na top priorities ng administrasyon niya ang ethical recruitment, fair employment, at safe and orderly migration ng OFWs. Nakikipag-ugnayan ang administrasyon niya sa international community para masiguro ang isang safe working environment para sa OFWs. Nagpakita na rin ng interes ang ilang bansa na tuklasin ang bilateral labor cooperation sa Pilipinas sa mga sektor ng healthcare, tourism, hospitality, engineering, construction, at information technology. Sa katunayan, nagkaroon na ng signed agreement dito ang Singapore, Austria, at Alberta, Canada.
Kaugnay nito, kamakailan lang nagbigay ng direktiba si House Speaker Martin Romualdez na talakayin ang mga panukala na susuporta sa mga programa ni Pangulong Marcos Jr. para sa OFWs. Kasalukuyang pinag-aaralan ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang paglikha ng pension system para sa OFWs at pagbibigay ng retraining sa kanila sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Para kay Kabayan Partylist Representative Ron Salo, long-lasting solution sa mga concern at pangangailangan ng OFWs ang pension system dahil makapagbibigay ito ng security at additional social protection sa kanila. Bukod pa rito, pinag-aaralan din ang pamimigay ng financial aid at scholarship programs para sa mga pamilya ng OFWs.
Sa muling pagbubukas ng pandaigdigang ekonomiya noong 2022, naitalang tumaas ang bilang ng Filipino migrant workers ng 62%. As of July 2023, tumataginting na 1.8 trillion pesos ang naiambag nila sa ekonomiya ng bansa.
Modern-day heroes kung ituring ang OFWs. Bukod sa napapalakas nila ang ekonomiya, natutulungan nilang umangat ang buhay ng kanilang mga pamilya. Naipapakita rin nila sa mundo ang talents, skills at work ethic ng mga Pinoy na talaga namang hinahangaan sa ibang bansa. Kwento nga ni Pangulong Marcos Jr., bago pa man siya bumati sa leaders ng ibang bansa, sinasabi na agad nila sa kanya na magaling, masipag, at mabait ang mga Pilipino. Dahil sa mga ito, deserve ng OFWs ang buong suporta mula sa gobyerno na talaga namang inaaksyunan ng administrasyong Marcos.