Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nagwagi sa ginanap na Barangay and Sangguniang Kabataan elections nitong Oktubre 30.
Sa isang video message, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng kanilang tungkulin sa lipunan kaya hinihikayat niya ang mga ito na maglingkod nang buong puso at gawing prayoridad ang kapakanan ng sambayanan.
Aniya, isa itong panibagong pagkakataon upang makapagbigay ng serbisyo sa mga Pilipino. Pinaalalahanan din niya ang newly elected at re-elected officials na manatiling tapat sa lahat ng oras.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, sa pagkakaisa at kolektibong pagsisikap, maisusulong ang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat barangay ay mapayapa, masaya, at maunlad.
Samantala, nagpasalamat ang Pangulo sa mga Pilipinong bumoto sa ginanap na halalan na inilarawan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia bilang maayos at mapayapa.