Hinamon ng Makabayan Bloc si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maunang sumailalim sa lifestyle check bago atasan ang lahat ng public officials.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, mas mainam kung magiging mabuting halimbawa ang Pangulo lalo’t mayroon itong confidential at intelligence funds at may kontrol sa implementasyon ng pambansang pondo.
Tinawag ni Rep. Tinio na isang desperadong hakbang ang kautusang ‘lifestyle check’ ng Pangulo at layon lamang aniya nitong ilihis ang atensyon mula sa korapsyon at kawalan ng transparency sa kanyang administrasyon.
Bagama’t suportado nila ang tunay na anti-corruption efforts ng pamahalaan, hindi aniya abswelto si Pangulong Marcos sa imbestigasyon ng katiwalian.
Hinihikayat naman ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang Presidente na isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth nito.