Kumpirmadong nakapagtala ng bird flu sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ito’y ayon mismo kay Agriculture Secretary Manny Piñol makaraang makapagtala ng poultry deaths o pagkamatay ng mga ibon sa nasabing mga lugar.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na nagsasagawa pa rin ng pagsusuri ang ahensya upang malaman kung anong strain ng influenza ang tumama sa mga nangamatay na ibon.
Inaasahang lalabas din ang resulta ng nasabing pagsusuri anumang oras ngayong araw.
Mga pantalan sa bansa mahigpit na binabantayan ng PCG
Nagtaas na ng alerto ang PCG o Philippine Coast Guard sa lahat ng pantalan sa bansa partikular sa Luzon.
Ito ay kasunod ng ipinatupad na ban ng Department of Agriculture (DA) matapos maitala ang bird flu outbreak sa San Luis, Pampanga maging sa dalawang bayan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, bantay-sarado na ng mga tauhan ng coast guard ang mga pantalan para hindi makalusot ang mga manok at iba pang poultry products mula Luzon.
Partikular na mahigpit na binabantayan at ang pier sa Batangas at Sorsogon kung saan kukumpiskahin ang mga poultry products na susubukang ibiyahe lalo kung walang shipping permits at health certificate.
By Jaymark Dagala / Krista De Dios | Ulat ni Aya Yupangco