Pinasasapubliko ng Makabayan Bloc kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Ito ang hamon ng mga progresibong mambabatas sa Kamara makaraang isapubliko ng mga ito ang kanilang sariling kopya ng SALN kahapon.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na 30 taon na hindi nagpakita ng kaniyang SALN sa publiko ang Pangulo ng bansa.
Giit ng mambabatas, karapatan ng publiko na malaman ang kabuuang kinikita ng Pangulo lalo’t masidhi ang kampaniya nito kontra katiwalian sa pamahalaan.
Ang pagsasapubliko ng SALN ng Pangulo ayon kay Brosas ay isang paraan ng transparency na dapat niyang pinangungunahan bilang ama ng bansa.
Samantala, hinamon din ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang Office of the Ombudsman na huwag limitahan ang paglalabas ng SALN dahil obligasyon nila ito sa taumbayan alinsunod sa kanilang mandato ng accountability.