Minaliit ng Malakanyang ang panawagan sa mga kabataan ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison na paigtingin ang kilos protesta laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang panahon para bigyang pansin ang mga litanya ni Sison.
Sinabi pa ng tagapagsalita na tila napagiiwanan na ng panahon si Sison at napako na sa mga kaganapan noong unang panahon kagaya ng ginawang riot ng first quarter storm noong 1970 sa panahon ng diktaduryang Marcos.
Giit ni Roque, malabo nang mangyari ngayon ang sinasabi niya, tiyakin na lamang aniya ni Sison na may sapat siyang apo para may gumawa ng kanyang ipinapanawagan.
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon napabalita ang planong pagpapabagsak ng CPP sa Pangulong Rodrigo Duterte ngayong taong 2018.
Ito umano ang target ng grupo para sa pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo nito.
Kasabay nito, ibinabala ng CPP ang mas marami pang kilos – protesta at ang mga pagkilos anito na isinasagawa ng mga manggagawa, jeepney drivers at iba pang sektor sa taong ito ay dress rehearsal lamang.