Tumanggi na ang pamilya ni Kian Delos Santos, ang 17-anyos na binatilyong nasawi sa Oplan Galugad ng Caloocan Police, na muling isailalim ang katawan nito sa autopsy.
Batay sa ulat, nagtungo ang mga tauhan ng NBI o National Bureau of Investigation sa tahanan ng mga Delos Santos kagabi para magsagawa sana ng autopsy sa bangkay ni Kian subali’t hindi na pumayag ang mga magulang ng binatilyo.
Ayon sa ina ni Kian na si Lorenza Delos Santos, hindi niya na kayang makita ang nakakaawang lagay ng kanyang anak na tila sinasaktan pa rin kahit wala nang buhay.
Sinabi pa ni Ginang Delos Santos, sapat na ang dalawang beses na autopsy na isinagawa sa katawan ng kanyang anak.
Gayunman, nagpasalamat pa rin ang pamilya Delos Santos sa tulong at pagsasagawa ng imbestigasyon ng NBI sa kaso ng pagkamatay ni Kian.
By Krista de Dios