Iginiit ng Malakanyang na hindi makatwiran ang puna ni Bise Presidente Sara Duterte hinggil sa sinasabing kakulangan ng paghahanda ng pamahalaan sa tumitinding pagbaha sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer at P.C.O. Undersecretary Atty. Claire Castro, wala sa bansa ang Bise Presidente at nasa The Hague kaya’t hindi nito lubos na nalalaman ang ginawang mga paghahanda ng pamahalaan.
Sinabi ni Usec. Castro na bago tumulak patungong Estados Unidos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagsagawa ito ng mga pagpupulong upang matiyak na coordinated ang pagtugon ng mga ahensya sa epekto ng malawakang pagbaha.
Aniya, sa naturang pulong, nagbigay ng direktiba ang pangulo sa mga kinauukulang ahensya upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong Pilipino.
Dagdag ni Usec. Castro, marahil, hindi rin nabatid ng Bise Presidente ang mga hakbang na isinagawa dahil sa kawalan nito ng presensya sa mga aktibidad ng gobyerno sa panahon ng krisis.