Isinisisi ng isang grupo ng mga manggagawa sa pagpapatuloy ng kontraktuwalisasyon ang mabilis na pagtaas ng unemployment rate sa bansa nitong ikatlong bahagi ng taon.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Elmer Labog, nananatili pa rin bilang pangunahing usapin sa mga manggagawang Filipino ang seguridad sa trabaho.
Sinabi ni Labog, matagal na nilang ipinananawagan sa pamahalaan ang ganap na pagpapatigil sa lahat ng uri ng kontraktuwal na trabaho.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte pa aniya ang nangakong tatapusin ang kontraktuwalisasyon sa bansa noong nangangampanya pa ito pero siya rin mismo ang nagtaksil sa mga manggagawa.
Magugunitang noong Hulyo, vineto ni Pangulong Duterte ang ‘security of tenure bill’ o panukalang batas na naglalayong maalis na ang subcontracting na mga trabaho.