Umalma ang ilang mambabatas sa Kamara matapos ang pagsibak kay PNP Chief Nicolas Torre the Third na anila’y sumasalamin sa internal conflicts sa Marcos administration.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, 85-days lang nanatili si Torre bilang hepe ng pambansang pulisya at hindi man lang ikinunsidera ang maganda nitong performance sa Philippine National Police.
Sinabi ni Rep. Tinio, na ang patuloy na rigodon at gulo sa PNP ay nagpapatunay sa lumalalang hidwaan sa Marcos administration.
Anya, maraming mga grupo ang nag-aagawan ng kapangyarihan sa gitna ng malalang korapsyon sa gobyerno, kapos na serbisyong panlipunan, at lumalalang kahirapan ng mamamayan.
Sa panig naman ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, dapat may katanggap-tanggap na dahilan ang DILG kung bakit inalis si Gen. Torre o kung hindi, malinaw na na-politika lamang ang opisyal.
Kataka-taka naman para kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, kung bakit inalis sa pwesto si Torre gayong ang mga sangkot sa katiwalian ng flood control projects ang dapat na masibak sa kanilang posisyon.