Nagpahayag ng suporta ang Malakanyang sa panawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa lahat ng opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na boluntaryong mag-leave of absence.
Ito ay sa gitna na rin ng kinahaharap na alegasyon ng kurapsyon sa ahensiya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nararapat lamang na kusang umalis sa puwesto ang mga opisyal ng PhilHealth na nahaharap sa imbestigasyon.
Partikular aniya ang mga pinangalanang miyembro ng Executive Committee (ExeCom) ng mga tumayong testigo sa pagdinig sa Senado at Kamara.
Samantala, kinumpirma naman ni Roque ang pagli-leave of absence ng anim na regional vice presidents ng PhilHealth bilang pagtalima sa panawagan ni Guevarra.
Ani Roque, tama at nararapat ang naging pasiya ng mga ito na kusang mag-leave of absence sa trabaho lalu’t kasama ang kanilang mga pangalan sa nabanggit sa mga imbestigasyon.
Kabilang sa mga regional vice president ng Philhealth na nagsumite ng kanilang leave of absence sina Paolo Johance Perez ng MIMAROPA, Valerie Anne Hollero ng Western Visayas, Datu Masiding Alonto ng Northern Mindanao, Khaliquzzman Macabato ng BARMM, Dennis Adre at William Chavez.