Aminado ang Department of Economy, Planning, and Development na maaaring bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga isyu ng katiwalian at panghihina ng kabuuang industriya ng bansa sa third quarter ng 2025.
Ayon kay Dep-Dev Secretary Arsenio Balisacan, malaki ang naging epekto ng paggastos ng pamahalaan sa konstruksyon at fixed capital formation dahil sa mga kontrobersya sa proyekto ng gobyerno.
Nananatiling matatag aniya ang mga pangunahing pundasyon ng ekonomiya, ngunit aminado rin siyang mahirap maabot ang 6-percent gross domestic product growth potential kung patuloy ang katiwalian sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Secretary Balisacan na umaasa siyang hindi bababa sa 5.5 percent ang paglago, at antabayanan ang opisyal na datos mula sa Philippine Statistics Authority.
—Sa panulat ni Jordan Gutierrez




