Tinanggap ng mga lokal na magsasaka ang paghingi ng paumanhin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkukulang ng pamahalaan na matugunan ang problema sa pagbagsak ng presyo ng palay.
Ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), tinatanggap nila ang pag-sosorry ng pangulo pero iginiit na kinakailangang kumilos ito para matulungan ang mga magsasaka.
Sinabi ni FFF president Leonardo Montemayor, ang paghingi ng paumanhin ng pangulo ay nangangahulugang alam nito na may mali sa sitwasyon at nais nitong tugunan ito.
Gayunman hindi aniya sapat ang sorry lamang at kinakailangan ng matibay na hakbang mula sa pamahalaan para malabanan ang masamang epekto ng rice tarrification law sa mga lokal na magsasaka.
Samantala, umaasa naman si Kilusang Magbubukid ng Pilipinas national chairman Rafael Mariano na tapat ang pangulo sa paghingi nito ng paumanhin.