Isang mahusay na desisyon ang pagbuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ng isang Independent Commission for Infrastructure na mag-iimbestiga sa mga maanomalya umanong government infrastructure projects, kabilang ang flood control projects.
Ito ang tugon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon matapos pangalanan ng Palasyo ang bubuo sa komisyon.
Sang-ayon din si Secretary Dizon sa naturang hakbang na may layuning linisin sa katiwalian ang pamahalaan, partikular na sa kanyang kagawaran.
Tiniyak naman ng kalihim na handa ang DPWH na makipag-tulungan sa ICI sa oras na simulan na nito ang pagtatrabaho.
Samantala, bukod kay dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, na kabilang sa ICI, nakipag-ugnayan na rin si Dizon kina Senador Mark Villar at Jose “Ping” De Jesus, na kapwa dati ring kalihim ng naturang kagawaran upang mabigyang-linaw ang mga isyu sa likod ng kontrobersya.