Inaasahang magpapalabas na ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ng kanilang pag-aaral hinggil sa carrying capacity ng isla ng Boracay sa katapusan ng buwan o unang linggo ng Mayo.
Ayon kay Interior and Local Government Assistant Secretary Epimaco Densing, gagamiting batayan ang nasabing pag-aaral sa ipatutupad na regulasyon ng pamahalaan sa mga ipatatayong karagdagang istruktura sa Boracay Island.
Gayundin aniya ang bilang nga mga papasok na turista sa nasabing isla.
Iginiit naman ni Densing na hindi na aniya bago ang paglalagay ng carrying capacity dahil ipinatutupad na ito sa underground river sa Palawan.
“’Yun ang magiging basehan ng lahat ng mga regulasyon at pagdedesisyon ukol sa kung puwede pa bang magtayo ng mga structure dito, magpapasok ng mga turista dito, so ‘yun ang magiging kumbaga pundasyon sa bagong pamamalakad sa Boracay, pareho lang ‘yan doon sa underground river sa Palawan, may limitation na ang pagpasok ng turista sa underground, 2,000 a day na lang ang carrying capacity ng underground river.” Pahayag ni Densing
(Balitang Todong Lakas Interview)