Madalas ay hindi nagbabayad, hindi sumisipot, o hindi totoong bumibili ang mga bogus buyer na nae-encounter ng mga online seller. Pero ang isang tindero na ito, hindi lang bogus ang naging customer kundi nambubugbog at nagnanakaw pa.
Kung ano ang kinahinatnan ng seller, eto.
Isang araw ay nakipagkita ang isang lalaking online seller sa kaniyang customer para personal na i-deliver ang inorder nitong jacket.
Dino-double check umano ng customer ang jacket para tingnan kung mayroon itong issues. Pagkatapos ay bigla na lang nitong sinuntok sa ulo ang seller.
Hindi pa riyan nagtapos ang pananakit ng customer dahil nagpaulan pa ito ng mga suntok nang matumba na sa semento ang seller dahil sa pagsubok na makatakbo papalayo.
Pero matapos manakit ay bigla na lang naglakad ang lalaki papalayo sa pinangyarihan ng insidente kasunod ang isang lalaki na isa umanong lookout.
Mabuti na lamang at nakuhanan sa CCTV ang insidente kung kaya agad na natukoy ng mga pulis ang suspek pero nang puntahan ito sa kanilang bahay ay nasa trabaho raw ang lalaki ayon sa kaniyang pamilya.
Samantala, patuloy na pinaghahahanap ng mga otoridad ang suspek. Maaari rin daw itong maharap sa reklamong pagnanakaw at desidido rin ang biktima na magsampa ng kaso dahil sa tinamo nitong slight physical injuries.
Sa mga online seller diyan, sa paanong paraan ba kayo nakakasiguro na hindi bogus ang buyer niyo?