Inilunsad ng Bureau of Customs ang malawakang random drug testing sa lahat ng opisina, pantalan, at sub-port sa buong bansa bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas mataas na integridad sa serbisyo publiko.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, layunin ng programa na palakasin ang disiplina, kalusugan, at tiwala ng publiko sa ahensya.
Sa ilalim ng naturang hakbang, titiyakin ng BOC na magiging drug-free workplace ang buong institusyon bilang bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Maliban dito, patunay aniya ang pagpapatupad ng programa na hindi lang tagapagbantay ng kalakal ang Customs, kundi tagapagtanggol din ng integridad at disiplina sa loob ng gobyerno.




