Pinalagan ng NUJP o National Union of the Philippines Europe chapter ang ginawang paninisi ni Communications Undersecretary Joel Egco sa ilang media outfit sa Pilipinas kaya nagkakaroon ng mga negatibong balita tungkol sa bansa.
Ayon kay NUJP Europe chairman Macel Ingles, bilang mga mamamahayag, ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na iulat ang katotohanan at hindi kung ano ang nais marinig o mabasa ng Malakanyang at PCOO.
Dagdag ni Ingles, hindi rin sila kailanman mag-aalinlangan na tuparin ang kanilang pangakong magbigay impormasyon sa publiko.
Binigyang diin pa ni Ingles, hindi tama, malisyoso at hindi katanggap-tanggap na uri ng pag-ataki sa press freedom ang ginawang paninisi ni Egco sa media kaya hindi maganda ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas.
Una rito, sa isang press caravan sa harap ng Filipino community sa Belgium, inakusahan ni Egco ang NUJP, Center for Media Freedom and Responsibility o CMFR at Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ ng pagkakaroon ng sistematikong pag-uulat sa mga negatibong istorya tungkol sa Pilipinas.