Ika nga nila, kindness is the best revenge. Ganyan ang ginawa ng isang lalaki sa India matapos maliitin at pagdamutan ng kanilang kapitbahay ang kaniyang asawa dahil sa kanilang kahirapan. Dahil sa labis na pagmamahal sa kaniyang misis, sinigurado ng lalaki na hindi na kailanman ito muling mararanasan ng kaniyang asawa, pati na rin ng kanilang mga kasamahan.
Ang buong kwento ng ginawang sakripisyo ng lalaki, eto.
Nagsilbing inspirasyon para sa myembro ng Dalit community mula sa India na si Bapurao Tajne ang pang-iinsulto na naranasan ng kaniyang misis na si Sangita nang subukan nitong kumuha ng tubig mula sa isang balon pero pinagkaitan ito ng may-ari.
Labis pa man ding nangangailangan ng tubig ang kanilang komunidad dahil nasa kalagitnaan ng water crisis ang Maharashtra nang mangyari ang insidente.
Dahil dito, masipag na hinati ni Tajne ang kaniyang oras sa loob ng 40 araw para maghukay. Apat na oras bago magtrabaho ay naghuhukay muna ang lalaki at babalikan ang kaniyang project sa loob ng dalawang oras matapos makauwi mula sa trabaho.
Bagama’t tinutulan ito ng kanilang mga kasamahan, ipinagpatuloy pa rin ni Tajne ang paghuhukay ng balon para sa kaniyang misis nang sa ganon ay hindi na ulit ito maliitin pa.
Dahil sa pagtyatyaga, matapos ang mahigit isang buwang pagsisipag ay nakagawa rin si Tajne ng sarili nilang pagkukunan ng tubig.
Ayon kay Tajne, pakiramdam niya ay nakaranas sila ng pang-iinsulto dahil sa kanilang kahirapan. Ngunit si Tajne, pinairal ang kabaitan at hindi na pinangalanan pa ang nagdamot ng tubig sa kaniyang asawa dahil ayaw umano niya ng hidwaan.
Samantala, nang matapos si Tajne sa paghuhukay ay nagawa niya itong palalimin ng 15 feet at lapad na 6 feet, na hindi lang ang kaniyang asawa ang nakikinabang kundi pati na rin ang buong dalit community.
Sa mga nakaranas ng pang-aapi diyan, ano ang ginawa niyong best revenge para bumawi sa mga sarili niyo?