Napasakamay na ng mga awtoridad sa lungsod ng Maynila ang tatlong suspek sa pag-abandona ng isang 76 na taong gulang na lola sa isang tulay sa Sta. Cruz sa Maynila.
Kinilala ang mga suspek bilang sina Ephraim Tan Yap, Emerita Decilio, at si Rogelio Espino.
Nabatid sa ginawang paunang imbestigasyon na tiyahin ni Yap ang biktima na si Fulgencia Tan na isang Pwd na inabando na sa McArthur Bridge sa Maynila.
Paliwanag ni Yap, tatlong linggong na-confine ang kanyang tiyahin sa Metropolitan Medical Center, at napunta sa kanya ang responsibilidad na pag-aalaga rito.
Dagdag pa ni Yap, hindi na nito kaya ang responsibilidad sa tiyahin, kaya’t inutusan ang isa pang suspek na dalhin ito sa Missionary of Charity.
Sa kasamaang palad nang tumanggi ang naturang shelter, ay inabandona na lamang ng mga suspek ang matanda sa paanan ng tulay nitong September 2.
Agad namang nasaklolohan ng Social Welfare Department ng Maynila ang matanda para sa kaukulang tulong.
Samantala, nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa article 275 ng revised penal code o ‘‘abandonment of persons in danger and abandonment of one’s own victim.’’